Saging kontra COVID-19? Virus nananatili sa hangin? DOH may sagot

ABS-CBN News

Posted at Mar 18 2020 06:01 PM

MAYNILA — Nilinaw ng isang opisyal ng Department of Health (DOH) nitong Miyerkoles ang ilang balita at haka-haka na kumakalat ukol sa sakit na coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Unang binigyang linaw ng DOH ang umano'y bisa ng saging bilang pangontra sa COVID-19. Ito'y matapos sabihin ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa isang press briefing na pinupuksa ng saging ang virus batay umano sa nabasa niya sa internet. 

Pinabulaanan ito ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire.

"Wala pa pong ebidensiya, wala pang masusing pag-aaral na makapagbibigay ng hard science or ebidensiya para sabihin na talagang bananas will prevent the transmission or prevent a person from having COVID-19," ani Vergeire, na tagapagsalita rin ng DOH.

Gayunpaman, sinabi ni Vergeire na wala namang mawawala sa pagkain ng naturang prutas dahil masustansiya ito.

"Wag lang nilang iisipin na hindi sila magkakaroon ng sakit na ito dahil kumakain sila ng saging," payo niya. 

NABUBUHAY SA HANGIN? 

Samantala, nilinaw din ni Vergeire ang mga ulat na airborne o nananatili sa hangin ang virus sa loob nang ilang oras.

Batay ito sa report ng World Health Organization na nagbabala sa health workers matapos lumabas ang pag-aaral na nananatiling aktibo sa hangin ang SARS-CoV-2, ang virus na nagdudulot ng COVID-19.

"Ito pong artikulong ito ay tinutukoy nila ay settings ng isang ospital. Katulad po ng lagi nating sinasabi... sa atin pong ebidensya pa rin hanggang sa ngayon at atin pong nakukuha base sa ating mga experts, itong sakit na COVID-19 is still transmitted through droplet infection and close contact. So 'yung airborne po na sinasabi is in a confined hospital setting," paliwanag ni Vergeire.

Sa kasalukuyan, nasa ilalim na ng state of calamity ang buong bansa upang mabigyan ng sapat na espasyo ang pamahalaan na tumugon kontra sa pagkalat ng sakit.

Naka-lockdown na rin ang buong Luzon, kung saan naitala ang pinakamaraming COVID-19 cases.

Sa huling tala nitong Miyerkoles, lumobo na sa 202 ang bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19 sa Pilipinas. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.