Pick-up points sa OFWs na papuntang airport inihahanda na: OWWA

ABS-CBN News

Posted at Mar 18 2020 12:49 PM | Updated as of Mar 18 2020 01:10 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA – Inaayos na ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang plano para sa pagdala sa mga overseas Filipino workers na walang maghahatid sa airport sa Maynila, ayon kay OWWA Administrator Hans Leo Cacdac nitong Miyerkoles.

“Meron din tayong inihahanda kasama din sa IATF (Inter-Agency Task Force) resolution yun namang mga dadalhin sa airport. Magkakaroon tayo ng karampatang announcement tungkol dito,” pahayag ni Cacdac sa panayam sa DZMM.

Aniya, nasimulan na nila ang pagbibigay ng transport service sa mga OFWs na dumating sa Ninoy Aquino International Airpot na walang mga sundo.

“Hindi lahat kailangan ng transport. Karamihan may sundo. Yung walang sundo, yun ang tutulungan natin. May natulungan na tayong higit kumulang na 50 (katao),” sabi niya.

Cacdac, dadalhin ang mga OFWs sa ilang drop off points sa National Capital Region, Region 3, at Region 4-A.

Nakapaloob sa bagong guidelines ng IATF sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) response na papayagan nang makalipad palabas ng bansa ang mga OFW at foreign nationals kahit nasa ilalim pa ng enhanced community quarantine ang buong Luzon.

Kailangan lang nilang maiprisinta ang kanilang travel itinerary na naka-schedule ang lipad sa loob ng 24-oras.

“Ang mensahe po doon, yung mga manggagaling sa labas ng NCR, ‘wag pumunta nang lagpas pa ng 24 hours yung byahe,” sabi ni Cacdac.

Pero ipinaalala niya na hindi na papayagan ang mga nakagawiang hatiran sa airport na kasama ang ilang mga kamag-anakan.

Isa na lamang ang papayagang maghatid sa OFW sa airport. Ibig sabihin ay ang OFW at driver lamang ang magkasama.

Mainam din na bigyan ng kopya ng travel itinerary ng OFW ang kaniyang kasamang driver para hindi ito mahirapan sa checkpoint pabalik sa lugar na pinanggalian, kung ito ay sa labas ng NCR.

“Ang purpose nito, yung konsepto ng social distancing. Less movement, makakatulong para maibsan ang sitwasyon sa COVID outbreak. Yan po ang prinsipyong bumabalot d’yan. Iisa lang po ang maghahatid sa airport. 'Yan po pinakamensahe n’yan,” paliwanag ni Cacdac.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.