Luzon lockdown: Facebook group nagbibigay ng libreng sakay sa health workers

Kori Quintos, ABS-CBN News

Posted at Mar 18 2020 01:46 PM | Updated as of Mar 19 2020 10:16 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Sa gitna ng krisis na dulot ng 2019 coronavirus disease (COVID-19), tuloy ang publiko sa pagbibigay ng tulong para sa mga nagsisilbing "frontline warriors" tulad ng mga doktor at nurse.

Itinatag ng grupo ng mga kaibigan ni James Bryan Ibrahim Alih ang Facebook group na MEDPool, kung saan maaaring mag-post ang mga taong nais magsakay ng mga health worker papunta at pauwi mula sa mga ospital.

Puwede rin doong mag-post ang mga health worker na naghahanap ng masasakyan.

Ayon kay Alih, ginawa ang initiative matapos nila makita ang hirap na dinanas ng mga health worker na naglakad pauwi at papasok sa trabaho noong gabi ng Martes, matapos ipatupad ang Luzon lockdown kung saan suspendido ang pampublikong transportasyon.

"Platform lang siya to connect people who are willing and able to help, para ma-connect sila sa mga health worker," sabi ni Alih.

Screengrab mula sa grupong MEDPool

Sinuspende ang pagbiyahe ng mga pampublikong transportasyon matapos magdeklara ang gobyerno ng enhanced community quarantine sa buong Luzon noong gabi ng Lunes.

Sa ilalim ng enhanced quarantine, pinapayagan naman ang pagbiyahe ng mga pribadong sasakyan kung layon ng mga motorista na bumili ng basic goods at supplies, at kung may sakay ang mga ito na mga exempted sa quarantine gaya ng mga health worker.

Ayon kay Alih, nagulat sila nang marami ang nag-request na mapabilang sa MEDPool para makatulong sa pagsakay sa health workers.

Para matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga driver at health worker, naglatag din ng mga patakaran sina Alih, gaya ng pagpapaalala sa pagsunod sa social distancing sa mga sasakyan.

Bukod sa MEDPool, may ilang hakbang na rin ang pamahalaan at iba pang private entity para matiyak na nakabibiyahe pa rin ang mga exempted at kailangang magtrabaho sa gitna ng umiiral na quarantine.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.