LISTAHAN: Saan makakukuha ng cash aid, loan ang mga manggagawang apektado ng COVID-19?

Jaehwa Bernardo, ABS-CBN News

Posted at Mar 18 2020 03:27 PM | Updated as of Mar 20 2020 03:30 PM

(UPDATE) Sa gitna ng enhanced community quarantine na ipinatutupad sa Luzon bunsod ng banta ng pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19), maraming negosyo ang nagpatupad ng temporary closure at may mga manggagawa ring nawalan ng mapagkakakitaan.

Bunsod nito, naglunsad ng mga programa ang ilang ahensiya ng gobyerno at state-run insurance firms para magbigay ng ayuda sa mga maaapektuhan ng isang buwang lockdown.

DEPARTMENT OF LABOR AND EMPLOYMENT

Magbibigay ng tulong pinansiyal ang Department of Labor and Employment sa mga manggagawa sa pribadong sektor na maaapektuhan ng lockdown dahil sa COVID-19.

Sa ilalim ng COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP) ng DOLE, makatatanggap ng P5,000 ang mga apektadong manggagawa, kahit ano pa ang kanilang employment status sa isang pribadong establisimyento.

Kailangan lang ng employer na magsumite sa DOLE ng establishment report na ipinapaliwanag kung paano naapektuhan ng COVID-19 ang negosyo, at company payroll para sa buwan bago nagpatupad ng temporary closure.

Maaaring isumite ang aplikasyon sa online application system ng DOLE.

Para sa informal workers, inilunsad naman ng DOLE sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Displaced/ Underprivileged Workers (TUPAD) ang "TUPAD #BarangayKoBahayKo" program.

Sa ilalim nito, ang pamahalaang lokal naman ang mag-endorse sa DOLE ng pangalan ng mga apektadong manggagawa na kuwalipikado sa 10 araw na disinfection at sanitation program.

Minimum wage ang matatanggap ng mga magiging bahagi ng programa kaya halimbawa, kung taga-National Capital Region ay P537 ang matatanggap na sahod kada araw. Makukuha umano ang pera sa money remittance.

DEPARTMENT OF SOCIAL WELFARE AND DEVELOPMENT

Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tuloy-tuloy ang tulong na Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa gitna ng kalamidad dahil sa COVID-19.

Ayon kay Social Welfare Secretary Rolando Bautista, hindi itinigil ang 4Ps dahil matatanggap pa rin ng mga benepisyaryo ang suporta sa kanila ng gobyerno sa pamamagitan ng cash cards.

Makikipag-ugnayan umano ang DSWD sa Department of the Interior and Local Government para magkaroon ng bagong proseso sa pagbibigay ng ayuda.

SOCIAL SECURITY SYSTEM

Maaari naman ma-avail ng mga miyembro ng Social Security System ang salary loan, ayon sa tagapagsalita na si Fernan Nicolas.

Puwedeng idaan online ang pagsumite ng aplikasyon sa salary loan at agad matatanggap ng miyembro ang pautang, ani Fernan. 

GOVERNMENT SERVICE INSURANCE SYSTEM

Para sa mga kawani ng gobyerno, puwedeng mag-apply ng emergency loan sa pamamagitan ng Government Service Insurance System (GSIS) kiosks.

Inihayag din ng ahensiya na ibibigay sa mga pensioner ang kanilang pensiyon para sa Marso at Abril kahit hindi muna magpakita sa GSIS.

HOME DEVELOPMENT MUTUAL FUND (Pag-IBIG Fund)

Ayon naman kay Pag-IBIG Fund President Acmad Moti, puwedeng magamit ng kanilang mga miyembro ang calamity loan.

Maaaring ipasa ang aplikasyon sa calamity loan sa mga dropbox na matatagpuan sa lahat ng branch ng Pag-IBIG maliban sa mga nasa loob ng mga saradong mall, ayon kay Moti.

May mga pamahalaang lokal ding nagpahayag na mag-aabot sila ng tulong sa mga apektadong sektor sa kanilang mga lugar.

MAKATI CITY

Inihayag naman ng pamahalaang lokal ng Makati na magbibigay sila ng P2,000 cash assistance sa mga tricycle driver sa lungsod na apektado ng tigil-transportasyon bunsod ng enhanced community quarantine.

Inihahanda na rin ng Makati local government ang hiwalay na financial package para sa mga tsuper ng jeep.

-- May ulat nina Alvin Elchico, Zen Hernandez, at Ina Reformina, ABS-CBN News

I-refresh ang pahinang ito para sa updates.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.