Ilang pasahero, stranded pa rin sa Puerto Princesa International Airport

Diana Lat, ABS-CBN News

Posted at Mar 18 2020 12:55 AM

PUERTO PRINCESA - Hindi pa rin nakakaalis ng Puerto Princesa International Airport nitong Martes ang mga pasaherong na-stranded sa paliparan.

Ilan sa kanila ay Biyernes pa nasa paliparan at naghihintay ng masasakyan dahil isinailalim na sa enhanced community quarantine ang Palawan.

Pinanghahawakan na lang ng mga pasahero ang maliit na posibilidad na makakaalis pa sila.

“That is our sentiments here. Because we are not from here. We need or we have families to feed. We have work that are waiting on our own destinations. So, we are asking for help to the provincial government to do something for us people who are stuck here in the airport,” ani Joeli Verano, isa sa mga stranded na pasahero.

Kaninang umaga hindi na pinapapasok sa loob ng paliparan ang mga pasahero. Kanselado na kasi lahat ng flights pati ang mga naunang ini-schedule ng mga airlines na recovery flights upang dalhin sana ang mga pasahero palabas ng lungsod.

Sinubukan naman umano ng provincial government ng Palawan na makipag-ugnayan sa mga airline companies.

“We have already requested Cebu Pacific to ferry them out. Unfortunately, naka-receive kami ng letter from Cebu Pacific this morning na regrets doon sa request ng governor natin. But I have already instructed to request to other airlines to mount mercy flights for them,” ani Atty. Joshua Bolusa, administrator ng probinsya ng Palawan.

Kung hindi talaga papayagan ay maaaring makiusap na lang sila sa Armed Forces of the Philippines na dalhin ang mga naturang pasahero sa kanilang mga lugar.

“Kung wala talagang airline na mag-consent, we may be able to ask the military to provide us with an aircraft for that. We are also exploring the possibility of asking for sea vessels so that we just be able to ferry them out,” ani Bolusa.

Sa ngayon, patuloy na nagbibigay ng tulong ang provincial government ng Palawan para sa tirahan at pagkain ng mga stranded na pasahero.

Pag-aaralan naman umano ng city government kung maaaring maisama ang mga stranded na pasahero sa bibigyan nila ng ayuda.

“Kung lalapit sila sa city government ay ire-rekomenda po natin,” ani ni Atty. Arnel Pedrosa, administrator ng Puerto Princesa City.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.