PatrolPH

COVID-19 testing madadagdagan na: FDA

ABS-CBN News

Posted at Mar 18 2020 05:07 PM | Updated as of Mar 18 2020 07:21 PM

Watch more News on iWantTFC

(UPDATE) Madadagdagan na sa mga susunod na araw ang pagsasagawa ng testing para sa 2019 coronavirus disease (COVID-19), ayon sa tagapamuno ng Food and Drug Administration (FDA).

Ayon kay FDA Director General Eric Domingo, posibleng hindi na lang sa Research Institute for Tropical Medicine sa Muntinlupa maisasagawa ang testing para sa sakit dahil nagsimula nang magpadala ng mga reagent sa Department of Health (DOH) hospitals sa mga probinsya.

"Hopefully in the next few days makakapag-umpisa na rin ng mga test doon," sabi ngayong Miyerkoles ni Domingo.

"Gusto natin siyempre mapalapit na, lalo na kung nagkakaroon ng problem sa pag-transport ng mga sample," aniya.

Ngayong Miyerkoles din nagsimula ang parallel testing ng mga kit na ginawa ng mga Pinoy scientist, ayon kay Domingo.

Posibleng sa loob ng isa o 2 linggo, magagamit na rin ang mga ito bilang dagdag na pang-test sa iba pang hinihinalang kaso ng COVID-19.

Mahalaga raw na maunawaan ng publiko na ang test kit para sa COVID-19 ay hindi gaya ng pregnancy test o pag-detect ng blood sugar, na mabilis malaman ang resulta.

"Ang mga testing for this virus are all laboratory-based at very sophisticated test itong mga ito," aniya.

Sa isang tweet, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na nakausap niya ang foreign minister ng China at sinabi nitong magpapadala ito ng nasa 100,000 test kit at libo-libong surgical mask, N95 mask, at personal protective equipment.

Nitong hapon ng Miyerkoles, inanunsiyo ng DOH na umabot na sa 202 ang bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas.

Sa bilang na ito, 17 ang pumanaw habang 7 ang gumaling na.

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.