'Ang liit ng budget namin': Ilang barangay sa Maynila problemado sa Luzon lockdown

Niko Baua, ABS-CBN News

Posted at Mar 18 2020 09:05 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Blangko at problemado ang ilang mga barangay sa lungsod ng Maynila kung saan sila huhugot ng pera para masustentuhan ang mga residente habang epektibo ang lockdown sa Luzon, na tatagal pa hanggang Abril 13.

Iniatas kasi sa kanila ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapakain sa mga residente dahil istrikto nang ipatutupad ang home quarantine para maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ang isang barangay, P35,000 lang ang calamity fund na balak nilang pagkasyahin sa 2,000 pamilya.

Kulang daw ito lalo't gumastos na ang ilan sa kanila para bumili ng mga alcohol at mask. 
        
Kung magtatagal daw ang sitwasyon ay mauubos agad ang pondo para sa pagkain. Paano pa raw ang araw-araw na pagdi-disinfect ng lugar. 

"Parang hindi doable sa amin dahil unang-una, ang liliit ng budget namin. How could I feed the whole barangay with that amount?" tanong ni Barangay 551 chairman Armin Loyola.

Ayon naman sa Manila City Hall, nag-order na sila ng relief box na tatagal nang 3 araw para sa isang pamilya na may 5 miyembro. 

Siniguro nila na lahat ng 350,000 pamilya sa Maynila ay makatatanggap nito.

Ang bawat isang pamilya naman ay dapat magtalaga ng isang miyembro na bibigyan ng barangay ng ID na sila lang ang maaring mamalengke.

Samantala, walong barangay sa Tondo district ang isinailalim sa lockdown dahil maraming residente ang di sumusunod sa quarantine.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.