ALAMIN: Mga dagdag na patakaran sa pagpapatupad ng Luzon quarantine

ABS-CBN News

Posted at Mar 18 2020 02:10 PM | Updated as of Mar 18 2020 09:08 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Inilatag ng pamahalaan noong Martes ng gabi ang ilang bagong patakaran sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine sa buong Luzon na layong kontrahin ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Parte nito ang pag-alis sa travel restrictions sa mga overseas Filipino workers at mga dayuhang may international flights, batay sa anunsiyo ni Cabinet Secretary Karlo Nograles. 

Isang tao lang ang papayagang sumama sa nasabing pasahero - ang maghahatid dito sa paliparan. Dapat din ay mayroon itong kopya ng ticket para payagang bumiyahe sa gitna ng ipinatutupad na home quarantine. 

Ibig sabihin, bawal ang "non-essential" travel. Bawal din ang pagbiyahe papunta sa mga bansang may travel restrictions dahil sa COVID-19. 

Maglalaan naman ng transport vehicles ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para sa mga OFW na pupunta sa mga paliparan at seaport. 

Samantala, bawal namang kumuha ng bagong bookings ang mga hotel at mga hostel. Bukas lang dapat ito para sa mga na-book nang kuwarto hanggang Marso 17, mga panauhing may "long-term" lease, at mga empleyadong exempted sa quarantine.

Tigil-operasyon din ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Hindi naman dapat pigilan ang transportasyon ng mga cargo. Pero iginiit ng Interagency Task Force na hindi dapat pilitin ang mga manggagawa na pumasok sa trabaho kung hindi naman ito kaugnay sa mga paunahing pangangailangan o serbisyo. 

Bawal din anilang tanggalin sa trabaho ang mga empleyadong hindi makakapasok sa trabaho dahil sa lockdown. — Ulat nina Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.