121 nasita sa Baclaran sa paglabag sa curfew; ilang manginginom, tiklo sa Makati

ABS-CBN News

Posted at Mar 18 2020 05:49 AM

Inabot ng sermon mula sa pulis at opisyal ng barangay ang 121 indibidwal na hinuli dahil naabutan sa kalsada sa oras ng curfew sa Barangay Baclaran, Parañaque nitong Martes ng gabi. 

Sa mga kuha ni Glenn Ponan ng Barangay Baclaran, pinaupo sa kalsada nang hile-hilera at may distansya ang mga hinuli. 

Pinagsabihan sila kung bakit kailangan manatili sa bahay sa gitna ng umiiral na enhanced community quarantine at pinauwi.

May 4 na kinausap pa sa barangay dahil nakipagsagutan pa sa barangay chairman na nanita sa kanila. Ayon sa barangay, nakainom kasi ang mga ito. Hindi na sila sinampahan ng kaso. 

Nitong Lunes, aabot sa 130 indibidwal naman ang nasita ng barangay. 

Sa Makati naman, inaresto ang 4 na lalaki dahil sa pag-inom sa pampublikong lugar sa gitna pa ng general curfew. Nadatnan sila sa isang eskinita ng mga rumorondang pulis. 

Sa ilalim ng Luzon-wide enhanced community quarantine, pinapayagang lumabas ang isang miyembro ng pamilya para bumili ng pangunahing pangangailangan. 

Pero paalala ng awtoridad, dapat gawin ito bago magsimula ang curfew na umiiral sa Metro Manila ng alas-8 ng gabi na matatapos ng alas-5 ng madaling-araw. -Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.