Konsehal sa Batac City, arestado nang takbuhan ang checkpoint ng Comelec

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Mar 18 2019 07:49 PM

BATAC CITY, Ilocos Norte - Sinampahan ng kasong disobedience ang konsehal ng Batac City na si Coleen Cajigal matapos nitong takbuhan ang checkpoint ng Philippine National Police at Commission on Elections noong gabi ng Biyernes. 

Mismong ang hepe ng Batac PNP na si Chief inspector Allan Dauz ang nagsampa ng kaso.

Kuwento ng hepe, hinabol pa nila ang kotse hanggang sa bumalik at dumaan ulit sa checkpoint pero dumiretso ito hanggang sa na-korner na nila ito.

Laking gulat nila na ang driver ng kotse ay si Cajigal.

“Going south siya, pinapahinto siya ng mga kasamahan ko, ayaw namang huminto despite na ang lalaki ng signages natin," paliwanag ni Dauz.

Wala namang problema sa kaniyang driver’s license at registration ng kaniyang sasakyan pero ayaw daw niyang tanggapin ang citation ticket ng kaniyang violation.

Tumanggi namang magbigay ng anumang pahayag si Cajigal.

May paalala naman ang lokal na pamahalaan sa publiko lalo na sa mga opisyal.

“Dapat lalong lalo na sa mga nasa gobyerno o public servant, mas tayo pa sana ang magbibigay ng halimbawa sa lahat ng mga motorista,” sabi ni Mayor Albert Chua.

Bukod sa kasong kriminal, sasampahan din si Cajigal ng kasong administratibo.