Barangay officials na di pinalilinis ang mga ilog, estero binalaan

ABS-CBN News

Posted at Mar 18 2019 08:02 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Binalaan ngayong Lunes ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga barangay official na hindi nakikiisa sa paglilinis ng mga ilog, estero, at kanal na nasasakupan nila.

Alinsunod umano ito sa Republic Act 9003 o Solid Ecological Waste Management Act.

"Umpisahan niyo ang paghuli sa mga nagtatapon ng basura sa kanal, estero, ilog dahil kung iyan ay pababayaan natin, mga kapitan, kung hindi niyo i-implement, walang mangyayari dito sa cleanup," ani Interior and Local Government Undersecretary Martin Diño. 

Binitiwan ang babala sa pulong kasama ang mga opisyal ng DILG, Department of Environment and Natural Resources (DENR), at Laguna Lake Development Authority. 

Sa Marso 31 itinakda ng DENR ang malawakan at sabayang paglilinis ng mga waterway ng lahat ng barangay na dinadaanan ng mga ilog ng Tullahan, Marikina, at Pasig. 

Samantala, muli namang nagbabala si Environment Secretary Roy Cimatu ukol sa pagligo sa bahagi ng Manila Bay sa may Baseco Compound, Tondo, na hindi pa rin umano ligtas.

Sa kabila ng pagbabawal, marami pa rin kasi ang nahuhuling nagtatampisaw sa tinaguriang "Baseco beach."

"Di pa kasi completely na malinis 'yong quality ng tubig," ani Cimatu.

-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.