Umano'y handler ng mga sugarol sa Ilocos Norte, patay sa pamamaril

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Mar 18 2018 05:37 PM

BADOC, Ilocos Norte – Patay ang isang lalaki matapos itong pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa Barangay Pagsanahan Sur, Badoc, Ilocos Norte Biyernes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Joseph Taculog, residente ng Barangay Tore, Currimao, Ilocos Norte.

Ayon sa hepe ng pulisya ng Badoc na si Chief Inspector Ryan Retotar, nasa isang lamay at nakikipagsugal ang biktima kasama ang dalawa niyang kaibigan nang mangyari ang pamamaril.

“Noong nasa 30 meters away ito mula sa lamay, nakarinig ng mga sunud-sunod na putok ng baril ang mga nakilamay at noong tingnan nila, nakadapa na ang biktima na may tama ng bala sa likod ng ulo at leeg," ani Retotar.

Idineklarang dead on arrival si Taculog sa ospital.

Blangko naman ang pamilya sa motibo sa krimen pero mahilig umano ito sa sugal tulad ng sabong at baraha.

Ayon kay Retotar, isa umanong "handler" ng mga eksperto sa ilegal na sugal sa lugar si Taculog, na pangunahing anggulong tinitingnan ngayon ng pulisya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.