Pamilyang nabagsakan ng eroplano sa Bulacan, nakaburol na

Jervis Manahan, ABS-CBN News

Posted at Mar 18 2018 08:08 AM | Updated as of Jan 28 2020 04:09 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA - Nakaburol na ngayong Linggo ang limang miyembro ng pamilyang namatay matapos mabagsakan ng eroplano ang kanilang bahay Sabado ng hapon.

Dinala na ang mga labi ng pamilya Dela Rosa sa Santa Cruz Chapel sa Brgy. Lumang Bayan, Plaridel, Bulacan bandang 3:00 a.m.

Nasawi sina Louisa Santos (lola), Rissa Dela Rosa (ina), Trisha dela Rosa, John John Dela Rosa, at Timothy Dela Rosa, matapos bumagsak sa kanilang bahay ang isang maliit na eroplano habang sila'y nagtatanghalian.

Samantala, nananatili naman sa punerarya ang mga labi ng mga sakay ng bumagsak na eroplano.

Kinilala ang mga biktima na sina Capt. Ruel Meloria (piloto), Romeo Huenda (Chief Mechanic), Alicia Necesario (Passenger na student pilot), Maria Vera Pagaduan (Passenger na student pilot), at Nelson Melgar (Passenger).

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon sa mga empleyado ng punerarya, nagpunta na doon ang mga kaanak ng mga biktima pero 'di agad nai-release ang mga bangkay dahil isasailalim pa ang mga ito sa DNA test.

Sa ngayon, hindi pa masabi ng padre de pamilya na si Noel Dela Rosa kung magsasampa siya ng reklamo laban sa Lite Air dahil prayoridad nila sa ngayon ang burol ng kanyang mag-iina.

Para naman sa panganay niyang si Leo dela Rosa, mahirap magsampa ng reklamo lalo na't aksidente ang nangyari at wala namang may kagustuhan nito.

Nag-aaral si Leo nang mangyari ang insidente at nalaman lang nya ang sinapit ng mga kapamilya nang umuwi siya.

Kwento niya, nasa labas ng bahay ang kanyang mga kapatid para maglaro at mag-computer, pero tinawag sila para mag tanghalian.

Dito na nangyari ang malagim na aksidente. Nakatakdang ilibing ang lima sa darating na Martes.

Ayon sa Civila Aviation Authority of the Philippines, patuloy ang kanilang imbestigasyon sa insidente. Hindi muna pinapayagang lumipad ang iba pang mga eroplano ng Lite Air habang inaaalam pa ng dahilan ng pagbagsak ng eroplano.

Posibleng abutin ng isang buwan ang imbestigasyon sa insidente, ayon kay CAAP Spokesman Eric Apolonio.

-- May ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.