Manila Pavilion hotel wala umanong fire alarm, sabi ng nakaligtas na kustomer

ABS-CBN News

Posted at Mar 18 2018 04:44 PM | Updated as of Mar 18 2018 05:27 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

MAYNILA - Naniniwala ang isang regular na kliyente ng Waterfront Manila Pavillon na may pagkukulang ang pamunuan ng hotel kaya may mga naitalang patay at sugatan sa sunog na sumiklab sa gusali, ngayong Linggo. 

Kuwento ng hotel customer, na ipinatatago muna ang kanyang identidad, kumakain sila ng kanyang pamilya kaninang umaga sa restaurant sa unang palapag ng gusali nang maamoy nila ang sunog.

"Sinabihan ko 'yung waitress na amoy sunog. Sabi niya may hinihinang lang daw. So I talked with the manager, sabi ko merong amoy sunog. Then he goes back, sabi niya, 'Ma'am, tayô na po táyo,'" aniya.

Nakapagtataka umanong walang fire alarm o sprinkler na gumana kahit mausok na sa hotel. "Sobrang dilim na dahil sa usok... Sad to say, wala kaming narinig na alarm," dagdag pa ng customer na kagabi pa naka-check in sa hotel.

Una nang sinabi ng ilang emplyeado na may nagwe-welding sa ikalawang palapag na under renovation. Bahagi ng casino ang ground at second floor, na mayroon ding ilang restaurant.

Tatlo ang naitalang patay sa naturang sunog na hanggang hapon ay patuloy pang inaapula ng mga bombero, ayon sa Manila Disaster Risk Reduction and Management Council. May anim ding sugatang itinakbo sa Manila Doctors Hospital. 

Bagama't nakaligtas ang buong pamilya ng kustomer na nakapanayam ng DZMM, may mga gamit silang naiwan sa nasusunog na hotel. Balak niyang humingi ng pormal na paliwanag sa managament ng hotel sa mga susunod na araw.

Hindi pa malinaw kung ano ang pinagmulan ng apoy. -- ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News