Isang 'most wanted' arestado sa Taguig

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Mar 18 2018 09:21 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA - Hawak na ng mga awtoridad ang isa sa "Top Three Most Wanted" ng Southern Police District matapos mahuli ito sa Taguig City madaling araw ng Linggo.

Kinilala ni P/Sr. Inspector Romel Bulan ang suspek Arlo Labjata alyas Palos, 23 anyos at miyembro ng Sputnik Gang.

Ayon kay Bulan nagsasagawa ng Oplan Galugad ang mga pulis mula BGC kaninang 2:00 a.m. nang makatanggap sila ng impormasyon na nakitulog sa isang bahay sa Zone 2, Brgy. Fort Bonifacio ang suspek.

Inaresto nila ang suspek na may warrant of arrest para sa two counts of robbery holdup sa Taguig at may P200,000 na bail bond.

Pero ayon kay Bulan wanted rin si Labjata sa Makati at Pasay dahil rin sa pagnanakaw.

Aminado naman ang suspek na nagagawa niyang magnakaw para matustusan ang pangangailangan ng kanyang dalawang batang anak.

Nanawagan naman si Bulan sa mga nabiktima ng suspek na dumulog o kaya'y makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.