Duterte, muling bumanat sa ICC; tinawag na 'kaibigan' si Robredo

ABS-CBN News

Posted at Mar 18 2018 06:48 PM | Updated as of Jan 28 2020 03:43 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Muling bumanat si Pangulong Rodrigo Duterte kontra sa International Criminal Court (ICC).

Sa kaniyang talumpati sa graduates ng Philippine Military Academy (PMA) "Alab Tala" class ng 2018, iginiit ni Duterte na hinding-hindi magkakaroon ng hurisdiksiyon ang ICC sa kaniya.

"You will never have jurisdiction over my person. Not in a million years," ani Duterte.

Kasunod lang ito ng utos ni Duterte na i-pull-out ang Pilipinas mula sa ICC kaugnay ng ginawang preliminary examination ng Korte sa mga akusasyon ng crimes against humanity laban kay Duterte.

Giit pa ni Duterte, walang bisa sa Pilipinas ang Rome Statute, ang international treaty na bumuo sa ICC, dahil hindi naman ito nailimbag sa Official Gazette gaya ng iniuutos ng batas. 

"Sabi naman nitong ibang ugok, mga Senador pa naman, it would take about 1 year bago ma-effective 'yang withdrawal... If it is not published, there is no law. So there is no reason to withdraw from something which is not existing," sabi ni Duterte.

Dagdag pa ni Duterte, hihikayatin niya ang iba pang bansa na lisanin din ang naturang tratado.

"And I will convince everybody now under the treaty sa ICC, get out. Bastos 'yan. It was not a document prepared by anybody. It's EU-sponsored," aniya.

Sa kabila naman ng sinabi ni Duterte na dapat ay nailimbag sa Official Gazette ang tratado para ito'y magkaroon ng bisa, sinabi ng Center for International Law na hindi ito ang kaso.

Co-founder ng Center for International Law si Harry Roque na ngayo'y presidential spokesperson.

Ayon sa pahayag ng Center for International Law, hindi na kailangang mailimbag ang tratado dahil naging epektibo ito nang sang-ayunan ng Senado.

Pinirmahan ng Pilipinas ang Rome Statute noong 2000 at niratipikahan at inendorso noong 2011, sa ilalim ng panunungkulan ni dating Pangulong Benigno Simeon "Noynoy" Aquino III.

'KAIBIGAN' SI ROBREDO

Muling nagkasama naman sa PMA graduation sina Duterte at Vice President Leni Robredo.

Sa kabila naman ng pagsalungat ni Robredo sa desisyon ni Duterte ukol sa ICC, naging mainit ang pagbati ng pangulo sa kaniyang bise presidente.

"Kaibigan man kami ni ma'am," sabi ni Duterte ukol kay Robredo sa kaniyang talumpati.

Nito lang Marso 15, pinalagan ni Robredo ang pag-alis ng Pilipinas sa ICC.

"Delikado ito sa future generations. Kasi, papa'no kung naging mapang-abuso 'yung nakaupo. Wala na tayong malalapitan," giit ni Robredo.

PMA GRADUATES

Nagpaalala naman ang Pangulo sa bagong graduates na isabuhay ang mga prinsipyo ng PMA sa kanilang pagsapi sa Hukbong Sandatahan.

Nangako rin si Duterte na patuloy na magiging maigting ang suporta ng gobyerno sa kanila.

Iginawad ng Pangulo ang presidential saber award sa class valedictorian at class baron na si Cadet First Class Jaywardene Galilea Hontoria na tubong Iloilo.

Dagdag sa natanggap ni Hontoria ang sorpresang house and lot.

Vice presidential saber award naman ang iginawad ni Robredo sa class salutatorian na si Second Lieutenant Ricardo Liwaden na tubong Mountain Province.

Binigyan naman ng Pangulo ng caliber .45 na baril ang "class goat" na si Second Lieutenant Haezzer Keith Atiwag. -- May ulat nina Pia Gutierrez at Micaella Ilao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.