5 lalaki arestado sa ‘online sabong’ sa Ilocos Norte

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Mar 18 2018 12:55 AM | Updated as of Dec 03 2018 10:50 PM

Nakompiska ang ilang kagamitan sa illegal live streaming ng sabungan sa Dingras, Ilocos Norte nitong Sabado.

Arestado ang 5 lalaki matapos umano magsagawa ng illegal live streaming ng sabungan sa Barangay Bungcag, Dingras, Ilocos Norte Sabado ng hapon.

Sa ikinasang raid, inaresto ang 5 lalaking taga-Pampanga at nakumpiska ang 2 camera, 2 tripod, 1 computer monitor, 4 na modem units, at 4 na plastic boxes na naglalaman ng mga iba’t ibang klase ng cords at wires. 

Ayon kay Supt. Relly Arnedo, hepe ng Dingras Police Station, ang impormasyon tungkol sa ilegal na gawain sa Barangay Bungcag ay galing sa isang concerned citizen. 

Dagdag niya, habang kinukuhanan ng mga suspek ang sabong sa nasabing barangay, ito ay napapanood online at may mga dayuhan umanong tumataya rin.

“Ayon sa coordinator nila kung paano nangyayari ang game na ‘yun, according to him, live-streaming ‘yung ginagawa nila. So dito kinukuhanan nila ng live, binabato nila, sabi nila nakakarating ng Las Vegas, so may mga bettors sa Las Vegas, Manila and some parts of the country. Malawak ang operations nila," ani Arnedo.

Tumangging magbigay ng pahayag ang 4 sa mga suspek.

Ayon sa isa, hindi nila alam na bawal ang kanilang ginagawa at inimbitahan umano lamang sila ng isa sa mga empleyado ng sabungan para i-promote online ang sabungan sa ibang bansa. 

Paliwanag ni Carlo Villanueva, empleyado ng sabungan, ang akala niya ay ipapalabas lamang ang sabong para mapanood ng mga Pilipino sa abroad pero hindi niya alam na may mga manonood na tumataya.

Haharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Anti-Illegal Gambling Law na may kaugnayan sa Cybercrime Law.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.