20 bahay, factory ng banana chips nasunog sa Kawit

ABS-CBN News

Posted at Mar 18 2018 12:19 AM | Updated as of Mar 18 2018 08:28 AM

Kuha ni Joan Barredo

MANILA - Natupok ang nasa 20 bahay at isang pagawaan ng banana chips sa Barangay Tabon 1 sa Kawit, Cavite nitong Sabado.

Hindi pa tiyak kung paano nagsimula sa isa sa mga bahay ang sunog alas-9 ng gabi, ayon kay fire marshal Senior Inspector Hayceeline Obligar.

Mabilis aniyang kumalat ang apoy dahil malakas ang hangin at gawa sa light materials ang mga bahay.

Naabo ang nasa P500,000 halaga ng ari-arian sa 2-oras na sunog.

Walang naiulat na nasaktan o nasawi sa insidente.

Pansamantalang pinatuloy sa barangay hall ang ilan sa mga nasunugan.

Nangyari ang sunog sa gitna ng Fire Prevention Month. Kadalasang tumataas ang bilang mga sunog tuwing Marso.

Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.