Lalaki patay sa engkwentro sa Bulacan

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at Mar 18 2017 10:57 AM | Updated as of Mar 18 2017 11:04 AM

Patay ang isang lalaki nang nauwi sa madugong engkwentro ang isinagawang search operation ng mga pulis sa isang bahay sa Barangay Mojon, Malolos sa Bulacan Biyernes ng gabi.

Patay si Joel Mapa matapos umano niyang paputukan ng baril ang mga tauhan ng Malolos Police nang isilbi ang search warrant sa kasong paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunition.

Pero giit ng pamilya ni Mapa, hindi siya nanlaban sa mga pulis dahil wala umano itong baril.

Dagdag ng pamilya, nakarinig na lamang sila ng magkakasunod na putok ng baril sa labas ng kanilang bahay bandang 11:30 ng gabi.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nagtamo ng mga tama ng bala sa iba't ibang bahagi ng katawan si Mapa.

Nakuha sa loob ng kanyang bahay ang ilang bala, mga pakete ng marijuana at drug paraphernalia.

Base sa impormasyong nakuha ng mga pulis, sangkot din umano sa mga kaso ng droga, carnapping at robbery sa Malolos City ang napatay.

Sumama na rin ito sa Oplan Tokhang noong 2016.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.