Caravan ng Kadamay, patungong Bulacan

ABS-CBN News

Posted at Mar 18 2017 11:03 AM | Updated as of Mar 18 2017 02:14 PM


MANILA (UPDATED) - Nagtipon-tipon ang may 500 miyembro ng grupong Kadamay sa tanggapan ng National Housing Authority (NHA) sa Quezon City, Sabado ng umaga.

Sakay ng mga pampasaherong jeepney, nagsagawa sila ng programa sa tapat ng NHA bago tumulak papuntang Pandi sa Bulacan upang bigyang suporta ang mga nauna na nilang mga miyembro doon. 

Samantala, patuloy na naka-full alert ang pulisya sa Bocaue Hills, sa Bocaue, Bulacan matapos sumiklab ang tensiyon kahapon sa pagsugod ng Kadamay sa housing site.

“So far, normal situation at nakaantabay ang ating kapulisan...full alert po tayo kasama ang mga residente dito na nakaantabay din po,” pahayag ni Bocaue Chief of Police, Police Superintendent Jowen Cibu dela Cruz.

Bagamat umalis rin sa lugar ang mga miyembro ng Kadamay patuloy pa rin ang pangamba ng mga residente na baka bumalik sila doon.

Marami sa kanila ang hindi na nakapagtinda at nakapagtrabaho kahapon dahil sa pagsugod ng Kadamay sa housing site.

Maging ang klase sa Bocaue Hills Elementary School ay kinansela para hindi na madamay pa ang mga bata.

Ayon kay dela Cruz, tinatayang nasa 400 ang mga kasapi ng Kadamay na tumungo sa lugar kahapon. Pero nanindigan ang mga residente na hindi nila papapasukin ang mga miyembro ng Kadamay.

“Kinausap po natin sila ng maayos kaya nakumbinsi natin po sila, at nakita naman nila yung mga homeowners na sila mismo ang nasa labas para samahan ang kapulisan i-barricade para di na sila makapasok,” sabi ni dela Cruz.

Sa isang panayam sa DZMM, sinabi ni Gloria Arellano, national chairperson ng Kadamay na naninindigan ang mga miyembro ng kanilang grupo na hindi sila aalis sa mga bahay na kanilang inokupa sa isa pang private subdivision, ang Pandi Village 2.

"Ang paninindigan ng marami pong miyembro ay di sila aalis," ani Arellano.

Paliwanag niya, marami sa mga bahay ay bakante at ang ilan sa kanilang mga miyembro ay wala ng masilungan dahil nanggaling na rin umano sa iba't-ibang resettlement area.

Ayon naman kay Elsie Trinidad, tagapagsalita ng NHA, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng kanilang tanggapan sa Kadamay at sinabing nabigyan na rin ng pabahay ang ilang miyembro ng grupo.

Ani Trinidad, may nakatakda nang tumira sa mga bahay na kasalukuyang tinitirhan ng ilang miyembro ng Kadamay.

"May mga Kadamay na din po na awarded sa iba't-ibang project," ani Trinidad. - Ulat nina Bianca Dava at Jeffrey Hernaez, DZMM