Bong Revilla, binisita ang ama sa ospital

ABS-CBN News

Posted at Mar 18 2017 09:23 AM | Updated as of Mar 18 2017 01:37 PM

MANILA (UPDATED) – Binisita ni Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. ang kanyang ama sa St. Luke’s Medical Center sa Global City, Sabado ng umaga.

Ito ay kinumpirma ng isang pulis na ayaw magpakilala. Hinatid umano nila si Revilla sa ospital sakay ng coaster ng Philippine National Police (PNP) para bisitahin si Ramon Revilla Sr., alas-6 ng umaga.

Pumarada sa harapan ng lobby ng St. Luke’s ang mga sasakyan ng PNP. Maliban sa coaster, isang ambulansya ng mga pulis, 2 hagad at 2 police mobile ang nakaparada sa harap ng ospital. 

Matapos ang pagbisita ni Revilla ay ibinalik siya ng mga pulis sa PNP Custodial Center sa Camp Crame.

Pasado alas-9:20 ng umaga pumasok sa Gate 2 ng Camp Crame ang coaster na sinasakyan ni Revilla, maging ang ibang sasakyang kasama sa convoy ng senador.

Pinayagan ng Sandigang Bayan na bisitahin ni Revilla ang ama matapos itong ibalik sa ospital para sumailalim sa medical tests na gastroscopy at colonoscopy, dahil sa gastrointestinal bleeding, o pagdudugo ng sikmura.

Tatlong oras, simula alas-6 hanggang alas-9 ng umaga ang ibinigay ng korte para bisitahin ni Revilla ang ama.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.