TFC News

Mga Pinoy sa Cambodia todo ingat laban sa bird flu infection

Rhea Soco-Neis  | TFC News Cambodia 

Posted at Mar 17 2023 02:58 PM

Watch more News on iWantTFC

CAMBODIA - Doble ingat ang mga Pinoy sa Cambodia sa pagbili ng karneng manok dahil sa bird flu. Mapa palengke man o supermarket, tinitiyak nila ang kalidad ng manok bilang pag-iingat.        

“Tinitingnan nang mabuti ang hitsura ng manok at kung saan bumibili. Bumibili kami minsan sa palengke,” sabi ni Vianne Collado, isang teacher sa Cambodia.      

“Kumuha po kami sa malalaking grocery stores kasi alam po namin na yung mga grocery stores ay may sarili silang farms. Kaya para sa akin mas safe na bumili sa mga grocery stores,” ani Robinson Rubio, Jr., isa ring teacher sa Cambodia.             

Dalawang kaso ng bird flu ang kumpirmado sa probinsya ng Prey Veng kung saan namatay ang isang onse anyos na batang babae noong nakaraang buwan. At hindi rin nakaligtas ang ama ng batang unang nagpositibo. Ito ang pinakaunang human infection na naitala sa bansa simula noong 2014.   

Mismong ang director ng Pandemic and Epidemic Diseases Department ng World Health Organization na si Doctor Sylvie Briand ang nagsabing nakababahala ang kaso ng bird flu sa Cambodia. 

Nagsagawa ng pagsusuri ang Ministry of Health pero nagnegatibo ang lahat ng mga naging close contact ng mga biktima. 

Nagbabala ang WHO sa publiko na maging maingat at umiwas sa mga kumpirmadong kaso ng virus lalo na’t wala pang available na bakuna laban sa Avian Influenza. 

Para sa iba pang ulat patungkol sa mga Pilipino sa iba't ibang bahagi ng mundo, panoorin at tumutok sa TFC News sa TV Patrol.