MAYNILA - Duda ang ilang grupo na maaabot ang P20 kada kilong presyo ng bigas sa lalong madaling panahon.
Ito ay matapos sabihin ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na malapit na maabot ang presyong ipinangako niya sa kaniyang kampanya.
Sinabi ni Sinag President Rosendo So na nananatiling mas mataas ang farmgate price ng bigas sa ipinangakong presyo ni Pangulong Marcos.
"Kasi ang presyo ng palay ngayon is nasa P23.50. Palay pa lang yun," aniya.
"Ibig sabihin yung palay, igigiling mo pa yun para maging bigas. Yung P20-P23 na palay, pag giniling yun babagsak P40 na bigas," dagdag niya.
Kung tatanungin si So, kakayaning ibaba ang presyo ng bigas kung lalong bumaba ang presyo ng pataba at langis.
"Kung bumalik siguro sa P800 yung pataba tapos ang fuel natin bumaba ng P32, yung seeds natin kung libre na ibigay sa magsasaka, ang tingin natin nasa P25, baka realistic pa, one and a half years," ani So.
Sabi naman ni Bantay Bigas Spokesperson Cathy Estavillo, hindi nila alam kng saan hinuhugot ni Marcos Jr. ang mga datos gayong mismong Department of Agriculture, kung saan namumuno si Marcos, ang nagsabi na tumaas ang presyo ng bigas.
"Hindi lang simpleng tumaas kundi napakataas dahil sa monitoring mismo ng Bantay Bigas ay umabot ng P4/kg yung itinaas ng well-milled rice at first week pa ng March namin 'yan nakuha ang data mula mismo retailers sa Nepa Q-Mart," ani Estavillo.
Aminado naman ang DA na marami pa ang dapat gawin para makamit ang pagpapababa ng presyo ng bigas.
Ayon kay DA spokesperson Kristine Evangelista, kabilang dito ang tamang post-harvest facilities, irrigation, pagdaragdag ng rice production, pagpapababa ng wastage hanggang logistics.
Pero tiniyak niyang ginagawa ng pamahalaan ang lahat kabilang na ang pagbebenta ng NFA rice sa mga Kadiwa store.
Naniniwala naman si AGRI party-list Rep. Wilbert Lee na posible naman ito, kung may sapat na suporta ang agriculture sector.
"Naniniwala po tayo na posibleng mapababa ang presyo ng bigas sa P20/kilo lalo na't seryoso ang Pangulo na gawing prayoridad ang sektor ng agrikultura at tugunan ang matagal nang mga problema at pasanin ng mga magsasaka. Kasama po tayo sa pagtupad sa hangaring ito," ani Lee sa isang pahayag.
Kabilang dito ang pagbibigay sa kanila ng sapat na kagamitan at binhi.
Aniya, "Pinakamahalaga nga pong siguruhin ang sapat na suporta at ayuda sa mga magsasaka para mapababa ang kanilang production cost. Tulad po ng isinusulong nating batas sa Kongreso, dapat dagdagan ang kanilang subsidiya sa farm inputs tulad ng fertilizers, pati na sa mga binhi at suporta sa sapat na irigasyon."
"Kailangan din ng dagdag na pondo para sa post-harvest facilities tulad ng dryers, at suporta sa marketing ng kanilang produkto," dagdag niya.
— May ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.