PatrolPH

Dry run ng exclusive motorcycle lane sa Commonwealth Ave. extended: MMDA

ABS-CBN News

Posted at Mar 17 2023 04:00 PM | Updated as of Mar 18 2023 09:24 AM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA — Extended ng isa pang linggo o hanggang Marso 26 ang dry run ng exclusive motorcycle lane sa Commonwealth Avenue, sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ngayong Biyernes. 

Pinalawig ang dry run para maisaayos muna ang daan matapos makatanggap ng mga reklamo ang ahensya ukol sa mga lubak sa ilang bahagi nito, ayon kay MMDA Acting Chairman Don Artes. 

Layon din ng extension na bigyan ng sapat na oras ang mga motorista upang makasanayan ang polisiya bago ang full implementation nito. 

Magsisimula sa Marso 27 ang strict implementation ng exclusive motorcycle lane, sabi ni MMDA Spokesperson Melissa Carunungan. 

Matatagpuan ang exclusive motorcycle lane sa ikatlong linya mula sa sidewalk ng Commonwealth Avenue, mula Elliptical Road hanggang Doña Carmen at vice versa. Umaasa ang mga awtoridad na mababawasan nito ang mga aksidente sa lugar. 

Sa gitna ng dry run, nasa 7,500 pribadong sasakyan at 2,100 motorsiklo na ang nasita ng mga awtoridad mula Marso 9 hanggang Marso 16, ayon sa MMDA. 

Bukod sa pagkukumpuni ng daan, maglalagay rin ang Department of Public Works and Highways ng reflectors at solar street lamps sa lugar upang maiwasan ang mga aksidente. 

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.