PatrolPH

'Mayroon tayong krisis': NEDA dinepensahan ang P200 buwanang subsidiya

ABS-CBN News

Posted at Mar 17 2022 01:05 PM | Updated as of Mar 17 2022 08:32 PM

Street vendors wave rags to entice potential customers along Quezon Avenue in Quezon City on January 20, 2022. Jonathan Cellona, ABS-CBN News
Street vendors wave rags to entice potential customers along Quezon Avenue in Quezon City on January 20, 2022. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

(UPDATE) Dinepensahan ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang inaprubahang P200 na buwanang cash assistance sa mga mahihirap na pamilya.

Sa panayam ng TeleRadyo, sinabi ni NEDA Development Information Staff Director Nerissa Esguerra na hindi sapat ang resources para mabigyan ng sapat na ayuda ang lahat.

"Mayroon tayong krisis na kinakaharap pero gayunpaman, sinusubukan nating mapanatili 'yong economic growth at mapalakas pa sana iyong ekonomiya para ma-hurdle natin 'yong krisis na ito," sabi ni Esguerra sa lahat ng bumabatikos.

Nitong Miyerkoles, inanunsiyo ng Malacañang na inaprubahan ni Pangulong Duterte ang panukala ng Department of Finance na huwag alisin ang excise tax sa kabila ng pagsipa ng presyo ng produktong petrolyo. 

Sa halip, bibigyan na lang umano ng P200 cash aid kada buwan ang mga mahihirap na pamilya sa loob ng 1 taon. 

Binatikos ng ilang personalidad at ilang grupo ang panukalang subsidiya, na tinawag nilang "pittance" o masyadong maliit at hindi sapat para matugunan ang pangangailangan ng mga mahihirap na Pilipino.

Ayon sa Malacañang, maghihintay pa muna ng guidelines mula sa Department of Budget and Management kung kailan maipapamahagi ang P200.

Watch more on iWantTFC

Samantala, isinusulong naman ng labor group na Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na hindi lang mahihirap na pamilya ang mabigyan ng cash subsidy kundi pati minimum wage earner.

Ayon kay TUCP Spokesperson Alan Tanjusay, hindi sapat ang P200 na ayuda kaya dapat pantayan ang ibinibigay sa ilalim ng COVID-19 Adjustment Measures Program ng Department of Labor and Employment (DOLE), na nasa P5,000 hanggang P7,000.

Kung may Pantawid Pamilyang Pilipino Program ang mga mahihirap at fuel subsidy ang mga jeepney driver ngayon, bakit hindi rin bigyan ng ayuda ang minimum wage earner, ani Tanjusay.

Una nang inirekomenda ng DOLE noong Miyerkoles ang pagbibigay ng wage subsidy para sa 1 milyong manggagawa, na target maipamahagi mula Abril hanggang Hunyo.

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.