PTV nag-sorry sa #DutertePalpak tweet

ABS-CBN News

Posted at Mar 17 2021 09:15 PM | Updated as of Mar 17 2021 09:21 PM

Watch more in iWantTFC

Humingi ng paumanhin ngayong Miyerkoles ang People's Television Network (PTV) matapos magamit ang hashtag na #DutertePalpak sa isang post nito sa kanilang opisyal na Twitter account.

Nitong gabi ng Martes, nag-share ng artikulo ang Twitter account ng state television network tungkol sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na magbigay ng libreng face mask sa publiko.

Kasama sa post ang hashtag na #DutertePalpak, na ginagamit ng netizens para punahin ang anila'y kapalpakan ng administrasyon sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.

Tinanggal ng admin ng social media account ng PTV ang kontrobersiyal na tweet, at sinundan ng mensaheng iimbestigahan nila ang intensiyon sa likod ng anila'y malisyosong post.

Sa panibagong pahayag nitong umaga ng Miyerkoles, ipinaliwanag ng PTV na dahil ito sa pag-autocorrect ng Twitter sa pagsulat ng tweet, na hindi rin umano na-review o na-check bago tuluyang i-post ng social media team.

Inako ng PTV ang responsibilidad sa pagkakamali at sinabing didisiplinahin ang mga pumalpak na tauhan.

Bago nito, ipinagtanggol ng Malacañang ang pagtugon ng gobyerno sa pandemya sa kabila ng mga puna dala ng patuloy na pagtaas ng bagong kaso ng COVID-19.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang mga bago at mas nakahahawang coronavirus variant ang dahilan ng paglobo ng mga may COVID-19, hindi ang umano'y kapalpakan ng gobyerno.

-- Ulat ni Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.