PatrolPH

OCTA Research group, giit na base sa siyensiya ang tantiya sa COVID-19 cases

ABS-CBN News

Posted at Mar 17 2021 01:19 PM | Updated as of Mar 17 2021 09:09 PM

OCTA Research group, giit na base sa siyensiya ang tantiya sa COVID-19 cases 1
Nakasara ang isang kainan sa Parañaque City sa pagpapatupad ng restrictions ng mga lokal na awtoridad para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19, Marso 15, 2021. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

MAYNILA - Dumepensa ang OCTA Research group sa komento ng isang employers’ group na nagdudulot lang sila ng alarma sa inilalabas nilang projections ng maaaring pagtaas pa ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa. 

Watch more on iWantTFC

Sa Teleradyo, sinabi ni OCTA Research fellow Guido David na base sa siyensiya, hindi sa haka-haka ang kanilang pagtataya. 

"For planning 'yan para alam natin na kailangan nating magtulong-tulungan kasi ang sinasabi lang niyan kung wala tayong gagawin, hindi tayo magtutulungan, 'yun ang aabutin natin," ani David. 

"Kung napakinggan kami mga two weeks ago, posibleng baka nagawan na natin ng mas maagang solusyon para hindi na tayo umabot sa ganitong kalagayan," dagdag niya.

Watch more on iWantTFC

Gabi ng Martes nang sabihin ni Employers’ Confederation of the Philippines chairman Sergio Ortiz-Luis na nagdudulot ng kalituhan ang inilalabas ng OCTA Research group na tantiyang pagtaas ng COVID-19 cases.

Para kay Ortiz-Luis, dapat ipasa na lang sa gobyerno ang pag-aaral at hayaan itong magbigay ng mga abiso sa publiko. 

"Hindi ko alam kung ano ang expertise nila. Nakakagulo lang sila, nakaka-panic ng tao. Hindi ko sinasabing hindi tayo mag-iingat. Mag-ingat tayo. Gawin natin ang kailangan nating gawin. Pero huwag tayong mag-overreact, because maraming ibang konsiderasyon," ani Ortiz-Luis.

“Maraming ibang ikamamatay ang tao aside from COVID. Maraming nagugutom, namamalimos pa nga hanggang ngayon ang iba nating mga kababayan natin,” dagdag niya. 

Parte ng pagpapatupad ng quarantine protocols ang mga localized na lockdown, at pagpapatupad ng iba't ibang restrictions gaya ng curfew at pagsasara ng ilang negosyo ngayong dumarami muli ang kaso ng COVID-19 sa bansa. 

Matatandaang tinatantiya ng OCTA Research na posibleng umabot ng 10,000 hanggang 11,000 ang naitatalang kaso ng COVID-19 kada araw pagdating ng katapusan ng Marso. Bukod sa variants, itinuturo ang pagdami ng kaso ng COVID-19 sa maluwag na pagpapatupad ng COVID-19 restrictions. 

Ayon naman kay Dr. Beverly Ho, direktor ng Health Promotion Bureau ng Department of Health, walang mali sa pagbibigay ng projections ng grupo. 

Sa katunayan, ayon kay Ho, nakakatulong pa ang pag-aanalisa ng datos ng independent groups para may iba ring pinakikinggan ang publiko. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.