PatrolPH

Tauhan ng CIDG-Manila na pumanaw na, positibo sa COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Mar 17 2020 08:33 PM

MAYNILA - Nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang isang pulis na pumanaw nitong Sabado, ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO).

Ayon kay Police Brig. Gen. Debold Sinas, hepe ng NCRPO, nakumpirma ito matapos ang isang isinagawang medical test nitong Martes.

Binawian ng buhay noong Sabado dahil sa respiratory failure ang pulis na tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa lungsod ng Maynila.

Bago siya nasawi, nakaranas umano ng malalang pag-ubo ang pulis 3 buwan na ang nakalilipas. Noong Marso 4, inireklamo umano ng pulis ang pamamaga ng kaniyang tonsils, bago siya nagpatingin sa FB Harrison Hospital sa Pasay City.

Umuwi noong Marso 6 ang pulis, kasama ang kaniyang pamilya, sa Cavite. Pero kinabukasan ay sinugod siya sa Divine Grace Hospital, kung saan na-diagnose siya ng lagnat at viral infection.

Bumalik ang pulis at kaniyang pamilya sa Maynila noong Marso 8. Kinabukasan ay dinala umano siya sa Adventist Medical Center Manila sa Pasay, kung saan siya na-diagnose ng tonsil infection at possible pneumonia.

Nanatili sa Adventist Medical Center Manila ang pulis hanggang sa pumanaw noong Sabado, saad ng NCRPO.

Ike-cremate ang labi ng nasabing pulis sa Marso 20.

Bilang pag-iingat, inutusan ng Manila Police District ang lahat ng tauhan ng CIDG-Manila na manatili muna sa kanilang opisina para mag-quarantine.

Maging ang mga tauhan umano ng CIDG-NCR sa Camp Crame, Quezon City ay mananatili muna sa kanilang opisina bilang pag-iingat. -- May ulat ni Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.