P340-K halaga ng 'shabu' nasamsam, 2 timbog sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Mar 17 2020 11:04 AM

Retrato mula sa National Capital Region Police Office Public Information Office

Nakumpiska ng mga awtoridad ang nasa P340,000 halaga ng hinihinalang shabu mula sa 2 suspek na naaresto sa buy-bust operation sa Maynila nitong gabi ng Lunes.

Isang 50 anyos na babae at 45 anyos na lalaki ang natimbog matapos bentahan ng umano'y ilegal na droga ang pulis na nagpanggap na buyer bandang alas-7:45 ng gabi sa Barangay 132, Tondo, ayon sa ulat mula sa National Capital Region Police Office.

Narekober umano sa mga suspek ang 8 sachet na may lamang hinihinalang shabu na may timbang na 50 gramo, ayon sa pulisya.

Nakadetine sa Manila Police District (MPD) Custodial Facility ang 2 suspek na haharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

Ibinigay naman ang nakuhang hinihinalang droga sa MPD Crime Laboratory para sumailalim sa chemical analysis.

-- Ulat ni Jaehwa Bernardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.