Luzon quarantine: Pag-IBIG, SSS, GSIS may pautang, palugit sa paghulog ng kontribusyon

ABS-CBN News

Posted at Mar 17 2020 07:33 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naglunsad ng iba't ibang programa ang Home Development Mutual Fund (o Pag-IBIG Fund), Social Security System (SSS), at Government Service Insurance System (GSIS) para makatulong sa kanilang mga miyembro sa harap ng ipinatupad na enhanced community quarantine sa buong Luzon.

Inanunsiyo ng gobyerno noong gabi ng Lunes ang enhanced community quarantine bilang hakbang laban sa pagkalat ng 2019 coronavirus disease (COVID-19).

Ang Pag-IBIG Fund ay nagpatupad ng 3 buwang moratorium o hindi muna pagbabayad ng utang, mula housing loan, calamity loan o multi-purpose loan.

"'Di na po kailangan magbayad muna ng ating miyembro, borrowers para po magamit nila ang kanilang mga pera sa ibang pangangailangan" ani Pag-IBIG President Acmad Rizaldy Moti.

Ayon kay Moti, gagawan nila ng paraan para puwedeng ihulog sa dropbox ang aplikasyon ng calamity loan, na kukuhanin na lang ng mga tauhan ng Pag-IBIG, na karamihan ay naka-work from home.

Sa SSS, may benepisyo ang mga miyembrong magkakasakit ng COVID-19 pati mga miyembrong matatanggal sa trabaho dahil sa pagbabawas ng tao ng mga kompanya.

"Marami tayo ngayon employers na nagbabawas ng empleyado o nagsara so puwede maging dahilan," ani SSS Spokesperson Fernan Nicolas.

Pero ang pinakamadali, ayon sa SSS, ay ang pagkuha ng salary loan.

"Kung iyong mga miyembro nangangailangan ng tulong, pinansiyal na tulong, qualified kayo sa salary loans natin, puwede na kayong mag-file online so mababayaran namin kayo kaagad," ani Nicolas.

Sa mga kawani ng gobyerno, puwede namang mag-apply ng emergency loan sa pamamagitan ng GSIS kiosks. 

Ang kontribusyon at bayad sa loans ngayon at sa susunod na buwan ay may palugit din.

"Extend for one month for the duration of the quarantine period, wala pong penalty 'yan," ani GSIS Vice President Margie Jorillo.

"Dapat sila ay magbayad on or before May 10 this year," dagdag ni Jorillo.

Sa mga pensioner, huwag din daw mag-alala kasi ibibigay ang pensiyon para sa Marso at Abril kahit hindi muna magpakita sa GSIS.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.