Due date ng mga bayarin sa Meralco, Maynilad, at Manila Water pinalawig

ABS-CBN News

Posted at Mar 17 2020 04:01 PM

MAYNILA -- Pinalawig ng Meralco at water concessionaires na Maynilad at Manila Water nang 30 araw ang due date ng mga bayarin ng kanilang mga kostumer matapos magpatupad ng enhanced community quarantine sa Luzon.

Ayon sa Meralco, magpapatupad sila ng 30-day payment extension para sa mga electricity bill na may due date mula Marso 1 hanggang Abril 14, 2020.

Ipinagpaliban na rin muna ng kompanya ang mga maintenance activity o pagkukumpuni para matiyak na lahat ng kanilang mga kostumer ay may kuryente sa gitna ng quarantine.

 

Nagbigay din ng 30 araw na palugit ang Maynilad at Manila Water sa pagbabayad ng water bills na may due date na pasok sa quarantine period o mula Marso 15 hanggang Abril 14.

Ayon sa Maynilad, ang 30-day extension ay dagdag sa normal na 60-day grace period bago makatanggap ang kostumer ng disconnection notice.

 
 

Ayon sa Maynilad at Manila Water, maaari namang gamitin ang online banking at iba pang online payment channel tulad ng GCash at PayMaya para sa mga nais magbayad ng water bill.

Isinailalim ng gobyerno sa enhanced community quarantine ang buong Luzon bilang pag-iingat laban sa pagkalat ng 2019 coronavirus disease.

Kaniya-kaniyang pagpapatupad din ang mga lokal na pamahalaan sa Visayas at Mindanao ng mga hakbang para maiwasan ang pagkalat ng sakit.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.