Bilang ng mga COVID-19 PUI sa Zamboanga del Norte, umakyat sa 12

Dynah Diestro, ABS-CBN News

Posted at Mar 17 2020 05:34 AM | Updated as of Mar 17 2020 05:53 AM

Umakyat sa 12 ang bilang ng mga person under investigation (PUI) habang nasa 899 naman ang mga person under monitoring (PUM) sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa buong Zamboanga del Norte nitong Lunes.

Ayon kay Dr. Esmeralda Nadela, Provincial Health Officer ng Zamboanga del Norte, naka-confine sa dalawang pampublikong ospital ng lungsod ang tatlo sa mga PUI habang naka-self quarantine naman ang siyam dahil nakitaan lang ito ng mga mild symptoms ng coronavirus disease.

Patuloy rin ang self-quarantine ng mga person under monitoring na mula sa iba’t ibang bayan ng Zamboanga del Norte na umuwi galing ibang bansa, Manila, Dumaguete, Cagayan de Oro at iba pang lugar na may mga positibong kaso na ng COVID-19.

Naipadala na rin ang mga swab samples ng mga patients under investigation sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa Manila para makumpirma kung may nagpositibo na sa COVID-19.

Ipapairal na sa buong probinsiya ang general community quarantine para maiwasan ang pagkalat ng virus pero papapasukin ang iba’t ibang mga produkto at kinakailangang suplay gaya ng pagkain at gamot sa Martes.

Papapasukin din ang mga empleyado na nakatira sa ibang probinsya at nagtatrabaho sa Zamboanga del Norte kung may maipapakitang certificate of employment at ID.

Pakiusap ni Dr. Ruth Brillantes, chair ng Committee on Health and Sanitation at tagapagsalita ng Task Force COVID-19 ng probinsya, na sana’y makipagtulungan ang lahat.

“The governor issued an executive order barring entry to the province so that we can monitor and control the spread of disease. Are we going to sacrifice the majority of those people in the minority? We’re talking about health issues so we have to pray. We will be able to contain this with the help of all in the community, being residents our priority is to protect our family,” ani Dr. Brillantes.

Nasa lima ang itatalagang checkpoints papasok at palabas ng probinsya sa mga bayan ng Rizal, Osmeña, Kalawit, Siayan at Gutalac.

Nakapagtala na ng 142 kaso sa buong bansa ang may COVID-19, 12 patay at 3 nakarekober na sa sakit ayon sa Department of Health.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.