Barangay sa Cebu City, nagsagawa ng community disinfection laban sa coronavirus

Aiza Layague, ABS-CBN News

Posted at Mar 17 2020 06:26 PM

Nagbahay-bahay ang barangay health workers sa Barangay Kamputhaw para mag-disinfect laban sa coronavirus disease 2019. Aiza Layague, ABS-CBN News

CEBU CITY - Nagsagawa ng community disinfection ang isang barangay sa lungsod bilang hakbang laban sa pagkalat ng nakahahawang sakit na coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Isa-isang binisita ng barangay health workers ang mga kabahayan, maging commercial establishments ng Sitio Lupa Purok-Tres sa Barangay Kamputhaw upang mag-disinfect lalo na sa mga lugar na madalas tambayan ng mga tao.

Ayon kay Kamputhaw Barangay Chairman Jessica Cadungog, 'di kaya ng barangay na magbigay ng alcohol at disinfectants sa bawat pamilya lalo't isa ang kanilang barangay sa may malaking populasyon sa Cebu City kaya paisa-isang sitio na lang ang ginawa nilang disinfection.

Ikinatuwa naman ang mga residente sa inisyatibo ng barangay sa pagsagawa ng disinfection lalo't iilan sa kanila 'di kayang bumili ng alcohol at iba pang panlinis.

Hinikayat naman ng barangay ang mga residente na panatilihing malinis ang kanilang paligid maging ang kanilang katawan upang maiwasan ang COVID-19.