ALAMIN: Ilang dapat tandaan, pag-iingat kontra bird flu

ABS-CBN News

Posted at Mar 17 2020 06:01 PM | Updated as of Mar 17 2020 07:42 PM

MAYNILA - Inanunsiyo noong Lunes ng Department of Agriculture na tinamaan ng H5N6 strain ng bird flu ang mga pugo ng isang farm sa Barangay Ulanin-Pitak, Jaen, Nueva Ecija. 

Aabutin sa 12,000 ibon ang isinasailalim na sa culling - sa pagpositibo sa nasabing sakit. 

Maliit lang ang tsansang mahawa sa bird flu ang isang tao, giit ng tagapagsalita ng Bureau of Animal Industry sa nasabing sakit na si Dr. Arlene Vytiaco. 

Ani Vytiaco, secretion mula sa nahawang ibon ang mode of transmission ng avian influenza. 

"Very slim po ang chance ng transmission sa human," ayon kay Vytiaco sa panayam sa radyo DZMM. 

Wala naman aniyang insidente rin ng human transmission nang tamaan ng bird flu ang daan-libong ibon sa Pampanga at Nueva Ecija noong 2017. 

Migratory birds ang hinihinalang pinagmulan ng bird flu, dagdag niya.

Ayon kay Vytiaco, nagsimula na sila sa culling o pagpatay sa 12,000 pugo na positibo sa nasabing sakit. 

Dahil may tsansang makahawa pa ito, iginiit ni Vytiaco na mahalagang paigtingin ang biosecurity sa mga farm. 

Ayon sa chairman ng United Broilers Association na si Gregorio San Diego, walag bakuna ang mga pugo sa sakit kaya mas madali silang matamaan ng avian influenza. 

Kaya naman naglatag na sila ng ilang paraan para ingatan ang mga farm kontra sa nasabing sakit. 

"Nagawa na namin 'yon binobomba 'yung lahat ng pumapasok na truck, yung mga equipment na nasa lugar na yan kasi nagkaroon na nga tayo ng experience noong 2017," ani San Diego. 

Ipinagbawal na umano ni Agriculture Secretary William Dar ang pagbebenta ng quail meat at quail eggs 1 kilometro mula sa farm na nahawaan ng nasabing virus 

Dahil sa nangyari, hinikayat ni Vytiaco ang publiko na dalasan ang paghugas ng kamay at iwasang makahawak ng buhay na ibon. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.