Lalaki, naghuramentado, nanaksak ng pulis, sibilyan

Mylce Mella, ABS-CBN News

Posted at Mar 17 2019 11:20 PM

NAGA CITY -- Isang opisyal ng pulis at isang babae ang sugatan matapos pagsasaksakin ng isang lalaki, Linggo ng hapon.

Sa imbestigasyon ng Naga City Police, unang sinaksak ang babae sa loob ng pinagtatrabahuhan nitong kainan sa Biak na Bato Street, Barangay Tabuco, Naga City.

Kinilala ang biktima na si Nenita Bien, 34 taong gulang, empleyado sa kainan. Sa hindi malamang dahilan, nilapitan ng suspek si Bien at pinagsasaksak sa taas na bahagi ng katawan.

Agad nagsagawa ng hot pursuit operation ang Naga City Police.

Na-korner ang lalaki ni Police Chief Inspector Norlito Escota na nagkataon na nasa sa harap ng isang tindahan sa may Diversion Road, Naga City.

Sinubukan sana ni Escota na pakalmahin ang suspek pero nag-huramentado ito at sinaksak din sa may dibdib ang pulis.

Nagtangka pa ito sasaksakin ang isa pang pulis at bilang pagdepensa ay binaril na ito ng awtoridad.

Dead on arrival sa Bicol Medical Center ang lalaki na kinilalang si Michael Jallores, 26 taong gulang at residente ng Zone 4, Brgy. San Jose, Ocampo, Camarines Sur.

Ligtas na ang pulis na si Escota at hindi na na-confine sa ospital. 

Patuloy naman na inoobserbahan si Bien na dahil sa malalalalim na tinamong saksak sa katawan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.