Tanod patay sa pamamaril sa Maynila

Jervis Manahan, ABS-CBN News

Posted at Mar 17 2018 09:57 AM | Updated as of Dec 01 2018 07:17 PM

MANILA - Patay ang isang barangay tanod sa Port Area sa Maynila matapos barilin ng di pa nakikilalang salarin na sakay ng motor, Biyernes ng hapon.

Nagbabantay lang sa tindahan ng appliances sa 13th Street, Barangay 650 si Jamil Didato nang barilin ng isang lalaking naka-camouflage jacket.

Tinutukan pa umano ng baril ng salarin ang ibang mga tao sa paligid.

Nakasakay sa motorsiklo ang gunman at angkas niya ang isa pang lalaking naka-helmet.

Kita sa CCTV ang pagtakas nila.

Dinala pa ang biktima sa ospital pero binawian na rin ng buhay.

Ayon sa asawa at tiyuhin ng biktima, wala namang kaaway ang tanod. Mabait daw itong tanod at wala ring kaalitan sa kanilang negosyo.

Tumulong din ang kagawad sa paglaban sa mga taong sangkot sa ilegal na droga.

Hanggang sa ngayon, palaisipan pa sa mga kaanak ng biktima at mga pulis kung ano ang motibo sa pamamaslang.

Iniimbestigahan na ng Manila Police District ang insidente habang pinaghahanap pa ang mga salarin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.