SAPUL SA CCTV: Magkasunod na holdapan ng riding-in-tandem sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Mar 17 2018 06:13 PM

Sapul sa CCTV ang magkasunod na panghoholdap ng riding-in-tandem sa Santa Ana, Maynila kahit maliwanag na.

Pasado alas-6 ng umaga noong Marso 9, nahagip sa CCTV sa Conchu Street ang dalawang lalaking naka-motorsiklo.

Watch more in iWant or iWantTFC

Huminto ito at bumaba ang angkas para holdapin ang isang 17 anyos na estudyante na papasok sa eskuwela noon.

Kita sa video na tinutukan ng baril ang binatilyo hanggang makuha ang kaniyang baong pera at dalang cellphone.

Dumiretso naman ang drayber ng motor at pinuntirya ang isa pang lalaking papasok naman sa opisina.

Pero ang bibiktimahin sanang si alyas "Ed," itinapon ang payong at saka mabilis na tumakbo kaya walang nakuha sa kaniya.

Kuwento ni Ed, hindi ito ang unang beses na may naholdap doon.

Mas umaatake umano ang mga kawatan sa umaga at tanghali dahil inila-lock ang gate ng kalsada kapag gabi.

Aminado ang barangay na hindi madaling tukuyin ang dalawang kawatan dahil naka-helmet ang mga ito.

--Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.