PANOORIN: AUV, sumalpok sa kasalubong na sasakyan

Melinda Ramo, ABS-CBN News

Posted at Mar 17 2018 12:08 AM

Watch more in iWant or iWantTFC

BAGUIO CITY - Sumalpok ang isang AUV sa isa pang sasakyan na kasalubong nito sa Loakan Road, Baguio City nitong Biyernes ng hapon.

Ang ikalawang AUV naman, nabangga ang mini van sa likod nito.

Sugatan ang driver ng sumalpok na AUV na isang electrician. Agad siyang naitakbo sa Baguio General Hospital at kasalukuyang nagpapagaling. Tumangging magbigay ng pahayag ang kaanak ng driver.

Wasak ang harap na bahagi ng nakasalpukan nito. Gasgas naman ang tinamo ng mini van na nasa likod nito. Walang malubhang sugat na natamo ang driver at pasahero ng dalawang sasakyan.

May kasunduan ang dalawang panig na hindi na magsasampa ng kaso ang may-ari ng nawasak na AUV kung mababayaran ang danyos sa sasakyan. Hindi rin magsasampa ng reklamo ang may-ari ng mini van.

Ika-121 na itong insidenteng naitala sa kalsada ng Baguio simula Enero ngayong taon. 

Payo ng pulisya, siguraduhing nasa tamang kondisyon ang sarili at ang sasakyan para maiwasan ang mga insidente.

Inaalam pa kung nakainom ang driver ng AUV na maaaring naging sanhi ng pagsalpok nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.