Motorista binaril sa sasakyan sa Cebu City

Donna Lavares, ABS-CBN News

Posted at Mar 17 2018 09:52 AM | Updated as of Dec 01 2018 07:20 PM

Inaalam pa ng awtoridad ang motibo sa pamamaril sa isang lalaki habang nasa loob siya ng kaniyang sasakyan madaling araw ng Marso 17, 2018 sa Cebu City. Donna Lavares, ABS-CBN News

CEBU CITY – Patay ang isang motorista matapos pagbabarilin ng isang di pa kilalang salarin sa loob ng kaniyang sasakyan, Sabado ng madaling araw sa Barangay Mabolo dito sa siyudad.

Dead on the spot ang biktimang si Warlito Colina na sakay ng kaniyang puting sasakyan sa may Pope John Paul II Avenue alas-2 ng madaling araw.

Ayon sa isa sa mga nakasaksi sa insidente, sa stop light binaril ang biktima. Nakapagmaneho pa umano ng ilang metro si Colina at saka bumangga sa isang traffic signage.

Inaalam pa ng awtoridad kung ano ang motibo sa pamamaril at kung bakit may dalang baril, bala at perang aabot sa P40,000 ang biktima. 

Samantala, itinanggi naman ni SP03 Antonio Din ng Cebu City homicide division na isang police ang napatay. Ito'y matapos may makitang sticker na may nakasulat na PNP SOCO sa kaniyang sasakyan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.