Mga di lisensiyadong baril, nasamsam sa bahay ng konsehal sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at Mar 17 2018 07:35 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Arestado ang isang barangay councilor sa Naic, Cavite matapos mahulihan ng mga hindi lisensiyadong baril. 

Umaga noong Huwebes nang pasukin ng Naic Police ang isang bahay sa Barangay Palangue Central.

Hinalughog ang bahay matapos nilang makatanggap ng mga ulat na may mga hindi lisensiyadong baril ang may-ari nito na kinilalang si Francisco Mojica.

Hindi na pumalag si Mojica, isang konsehal ng barangay. 

Nakuha sa suspek ang isang kalibre .30 na carbine, kalibre .45, at maraming bala, na lahat ay walang papeles.

Ayon sa pulisya, marami nang nagrereklamo sa konsehal dahil madalas daw itong gumagala dala ang kaniyang mga baril.

Dismayado ang pulisya dahil bilang konsehal, dapat sana ay naging magandang ehemplo ang suspek sa kaniyang mga ka-barangay 

Iniimbestigahan na rin kung sangkot sa ilang shooting incident ang suspek.

Isasalang sa ballistics examination ang mga baril na nasamsam kay Mojica.

Tumangging magpa-interview ang suspek na posibleng maharap sa sari-saring kaso.

--Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.