Lalaki patay matapos makipagbarilan umano sa mga pulis habang ipinapagamot

ABS-CBN News

Posted at Mar 17 2018 07:32 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA - Patay ang isang lalaki matapos mang-agaw umano ng baril sa mga pulis at makipagbarilan sa mga ito habang siya'y ginagamot sa isang ospital sa Quezon City.

Bago maganap ang engkuwentro, inireklamo ang suspek na si Ronald Gallong ng mga residente ng Brgy. Masagana, Quezon City dahil palakad-lakad daw ito at nais umakyat ng mga bahay. 

"Paiba-iba ang sinasabi niya, hinahabol daw siya ng bisikleta, naka-motor. Posibleng nakagamit ito [ng droga]," ani Supt. Ariel Capucao, hepe ng Station 8 ng Quezon City Police District (QCPD). 

Nakita ng mga pulis na may sugat ito kaya dinala muna sa ospital para ipasuri. 

Habang nasa ospital, ayaw umano magpagamot ng suspek at bigla na lamang nang-agaw ng baril ng isang pulis at nagtatakbo.

Sa opisina sa tabi ng ospital na siya inabutan ng mga pulis kung saan naganap ang engkuwentro na ikinamatay ng suspek.

Isang guwardiya naman ang tinamaan ng bala sa hita at agad isinugod sa ospital.

2 bangkay natagpuan sa kalsada

Samantala, pasado alas-4 ng madaling araw ng Sabado nang matagpuang nakahandusay at balot ng duct tape ang mga kamay at mata ng dalawang lalaki sa kahabaan ng Quirino Highway sa North Caloocan. 

Dalawang sasakyan umano ang nagbaba sa kanila bago sila pinagbabaril. 

"Hindi makita kung anong klase ng sasakyan eh. Bumaba lang daw po saka binaril sila nang marami," ani Rey Arguilles, opisyal ng Barangay 179.

Walang pagkakakilanlan ang dalawa pero ayon sa barangay, madalas ang natatagpuan nilang patay sa lugar. 

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon sa insidente. 

--Ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.