Halos P1-milyong halaga ng shabu, nasabat sa Tondo; 3 suspek timbog

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Mar 17 2018 06:04 PM

MAYNILA - Nasabat ang P960,000 halaga ng pinaghihinalaang shabu sa ikinasang buy-bust operation ng pulisya sa kanto ng Hermosa at Abad Santos Avenue sa Tondo nitong Biyernes ng hapon.

Arestado ang mga suspek na sina Tohamie Acab, 29, Guiama Abosama, 31, at Norlyn Dimaloloy, 28.

Ayon kay Senior Insp. Ness Vargas, hepe ng drug enforcement team ng Manila Police District Station 7, ikinasa nila ang operasyon kung saan nagpanggap na bibili ng P2,000 halaga ng shabu ang isang undercover agent sa mga suspek.

Nang magkaabutan ng pera at shabu, naging hudyat na ito para arestuhin ng back-up team ang mga suspek.

Nakuha mula sa kanila ang 17 plastic sachet na may bigat na 60 gramo ng hinihinalang shabu at P2,000 buy-bust money.

Haharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.