3 patay, 1 sugatan sa pamamaril sa QC

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Mar 17 2018 12:48 AM | Updated as of Dec 01 2018 12:36 PM

MAYNILA - Tatlo ang patay habang isa ang sugatan sa pamamaril sa Steve Baba Street, Barangay Commonwealth, Quezon City nitong Biyernes ng gabi.

Kinilala ni Police Supt. Rossel Cejas, hepe ng QC Police District Station 6, ang mga biktima na sina Rex Delmonte, isang alyas Efren at isang alyas Menggay na pawang mga kolektor ng mga renta sa mga puwesto sa Commonwealth Market.

Ayon sa anak ng biktimang si Delmonte, nasa loob sila ng bahay kasama ang apat niyang mga kapatid nang pumasok ang dalawang lalaki na nakasuot ng helmet mga alas-9 ng gabi.

Pinagbabaril ng mga salarin si Delmonte kasama si alyas Efren at alyas Menggay na makikitulog lang sana. 

Nagtamo rin ng tama ng bala sa hita ang kaniyang nakababatang kapatid na natutulog sa sahig nang mangyari ang insidente.

Kasalukuyang pinoproseso ng Scene of the Crime Operatives ang pinangyarihan ng krimen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.