Mga programa para proteksyonan ang Tubbataha, posibleng maisakatuparan

Rex Ruta, ABS-CBN News

Posted at Mar 17 2017 08:04 PM

PALAWAN — Taong 2013 nang magkasunod na sumadsad ang 2 sasakyang pandagat mula sa ibang bansa sa Tubbataha Reefs Natural Park.

Ang USS Guardian mula sa US na sumira ng 2,345.67 square meters ng bahura, at ang FV Min Long Yu mula sa China na nahulihan pa ng mga pangolin ay iilan lang sa mga nakapagdulot ng pagkasira sa Tubbataha kamakailan.

Nagpasalamat ang Tubbataha management office na hindi na ito muling nasundan pa. Nasa recovery stage pa rin umano ang parte ng mga nasirang bahura.

Laking pasasalamat din nila na nabigyang pansin ng International Maritime Organization (IMO) ng United Nations ang matagal na nilang kahilingang maisama ang Tubbataha sa listahan ng mga lugar na dapat iwasan ng mga dumadaang barko sa Sulu Sea. 

Ang IMO daw kasi ang nagdidikta ng batas sa paglalayag para sa mga shipping lines sa buong mundo.

Sa kanila ring pag-aaral ay tumaas sa 59% ang bilang ng mga international ships na dumadaan sa Sulu Sea, kung saan bahagi ng kanilang ruta ay pasok pa sa 10 nautical miles na buffer zone mula sa core zone ng Tubbataha.

Kapag naaprubahan na ang particularly sensitive sea area (PSSA) na designation ng reef ay mababawasan na ang alinlangan ng parke sa insidente ng pagsadsad ng mga barko, accidental discharges at oil spills.

Ngayong darating na Hunyo at Hulyo ay muli itong ilalatag sa Maritime Safety Committee at Marine Environment Protection committee ng IMO para maaprubahan. 

Anim na buwan naman o maaaring sa Enero sa susunod na taon pa maipapatupad ang karagdagang proteksyon para sa Tubbataha.

Oras na maaprubahan, ang Pilipinas ang unang bansa sa Southeast Asia na magkakaroon ng lugar na maitatalagang PSSA.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.