11 sumukong rebelde, iniharap sa ika-41 anibersaryo ng AFP Western Command

Hazel Salas, ABS-CBN News

Posted at Mar 17 2017 08:49 PM

Labing-isang sumukong miyembro ng NPA ang iniharap sa ika-41 anibersaryo ng of Armed Forces of the Philippines Western Command (WesCom) ngayong Biyernes.

Iniharap ang 11 dating miyembro ng New People’s Army sa ika-41 anibersaryo ng Armed Forces of the Philippines Western Command (WesCom) nitong Biyernes.

Lima sa mga sumukong rebelde ay pawang mga katutubo umano.

Ayon sa WesCom, hindi nila ipinagkikibit-balikat ang banta ng mga rebelde sa kabila ng pagsuko ng mga kasamahan nito.

Nauna nang napabalita noong Marso 8 ang pagsunog ng NPA sa mga heavy equipment sa Barangay Culandanum, Bataraza sa Palawan.

Muli namang pinaalalahanan ni WesCom Commander Lt. Gen. Raul del Rosario ang mga sundalo sa masigasig na pagbabantay para sa kapayapaan.

"Mayroon tayong tinitingnang anggulo dahil ayaw silang bigyan ng revolutionary taxation, ang reaksyon natin dito sa mga ganitong pangyayari ay lalo pang pag-ibayuhin ang pagpapatrolya upang ang presence ng ating mga troops ay nandoon sa area kung nasaan ang mga kalaban," ani Del Rosario.

Ani Del Rosario, hangad niyang palakasin at dagdagan pa ang mga Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) lalo na sa gawing norte ng Palawan upang mas maging aktibo sa pagbabantay, paghuli ng mga iligalista sa karagatan at sa kabundukan ng Palawan at makapag sagip ng mga taong nabibiktima ng human trafficking.

Sa isinagawang press conference, binigyang diin ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na mas pinapaigting umano ang pagpapatrolya at pagbabantay sa West Philippine Sea.

Kaisa umano siya ni Pangulong Rodrigo Duterte na nananalig na hindi ibinibigay sa bansang China ang karapatan ng Pilipinas sa nasabing karagatan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.