PatrolPH

PNP itinangging may 'surge' sa mga kaso ng pagpatay bago mag-halalan

Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Posted at Mar 16 2023 09:21 PM | Updated as of Mar 16 2023 09:32 PM

Itinanggi ng tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP) na may "surge" o pagtaas ng kaso ng pagpatay kaugnay sa nalalapit na barangay at SK elections.

Unang nilinaw ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na masyado pang maaga at malayo pa ang halalan para sabihing "election-related" ang mga patayan.

Sa kabila nito, kinumpirma naman niya na may dalawa silang naitalang bagong kaso ng patayan sa Cebu at Maguindanao.

“'Di pa [ito pasok] sa election related incidents. Wala pa naman tayong filing of candidacy pero alam nating seven months from now, magkakaroon ng elections... May 2 incidents particularly in Cebu — barangay captain and his wife... [and] Maguindanao both transpired in March 14,“ ani Fajardo.

Pero umuusad naman umano ang imbestigasyon at may mga tinitingnan na rin silang anggulo at mga posibleng motibo sa krimen.

“Ayon sa Cebu mayroon na silang persons of interest — ang tinitingnang motive is personal grudge... 'Yung sa Maguindanao... ongoing ang backtracking as well as pag-scan ng CCTV. Ngayon wala pang na-establish na persons of interest doon,” ayon kay Fajardo.

Dagdag rin ng tagapagsalita, may ilang government official na ring nagrequest ng karagdagang security detail.

May paalala naman ng PNP sa publiko, mga kasalukuyang opisyal, at mga may balak tumakbo sa darating na barangay at SK elections na nakatatanggap ng banta sa buhay.

“Kung tingin niyo nasa panganib, get in touch with station commanders para ma-secure ang inyong pamilya... Kung may alam kayo na grupo na gun for hire, please tell us, we will respect your confidentiality."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.