MAYNILA — Pinaghanda ng kanyang kapamilya ang bunso sa apat na magkakapatid na pinaslang ng kanilang amain sa Cavite.
Anim na taong gulang na sana si Conrado "Butchukoy" Bisa Jr. ngayong Huwebes.
Hindi pa rin makuhang lapitan ng kaniyang ama ang labi ng anak na kaniyang kapangalan.
Bago sila maghiwalay nitong Setyembre, nabanggit pa ng anak na pangarap nitong maging pulis.
"Mabait po talaga yung anak kung iyon, hindi ko talaga kayang kalimutan. Gusto mag-pulis yun ang nasasambit para raw siya’y may baril," dagdag ni Bisa Sr.
Magdiriwang sana ng kaarawan ngayong Huwebes ang bunso sa apat na magkakapatid na pinaslang umano ng kanilang amain sa Cavite.
Binilhan ng mga kapatid sa ama ni Butchukoy ng cake at lobo ang bata.
Ito ang hiling ng paslit bago siya mamatay.
"Kaninang umaga ang ate ay nagpabayan para bumili ng cake, lobo at stuffed toys galing kay Mae [kapatid na nasa Spain] kay Butchukoy. Sana gabayan niya kami lahat dito," dagdag ni Bisa.
Ang ina naman ni Butchukoy na si Virginia Dela Peña, lagi umanong naaalala ang hiling ng bunso noong siya’y nasa Saudi Arabia.
"Noong buhay pa siya lagi niya ko pinauuwi. Mama uwi ka na bakit ang tagal mo? Sabi ko uuwi ako ng December," dagdag ni Dela Peña.
Sa huling gabi ng lamay ng apat na bata ngayong Huwebes, magsasagawa ng tribute at magbibigay ng mensahe ang iba pa nilang kamag-anak at kaibigan.
Ihahatid ang apat sa kanilang huling hantungan sa Biyernes, Marso 17 sa Fred Fajardo-Fajardo Memorial Park sa Taysan, Batangas.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.