MAYNILA — Arestado ang isang 30-anyos na engineer sa entrapment operation ng Anti-Organized and Transnational Crime Division ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Quezon City, Biyernes ng gabi.
Hubo’t hubad ang suspek na si alyas “Sam” nang madatnan ng taga-NBI AOTCD na pumasok sa kuwarto motel na pinagkitaan ng suspek at ng biktimang si alyas “Ann”, na dati niyang karelasyon.
Nireklamo ang lalaki ng sextortion o pagbabanta na maglalabas ng mga maseselang retrato kung hindi umano makikipagtalik sa kanya.
Kuwento ng 29-anyos na biktima, na isang government employee, Disyembre pa sila hiwalay ng nobyo niya ng 6 na taon.
Naging mitsa anila ng pagkawatak ng kanilang relasyon ang pambababae umano ni “Sam”.
“Sobrang walanghiya sa babae. Deserve niya kung ano ang nangyari sa kanya ngayon. Hindi ako masamang tao, pero ilang taon ako nagtiis,” sabi ng biktima.
Dagdag ni “Ann”, may utang pa si “Sam” na umabot na aniya ng P520,000 at nakapangalan sa biktima.
Pang-negosyo, online sabong at iba pang gastusin noong pandemya ang dahilan umano ng pangungutang ni “Sam”, ayon kay “Ann”.
Lalo pang nahirapan si “Ann” sa pagbayad sa bangko nang magkasakit sa puso ang kanyang tatay nitong Pebrero.
Kaya nang hindi umano maayos na binayaran ni “Sam” ang pinagkakautangan, pinapuntahan na ito ni “Ann” sa barangay pero hindi siya nadatnan.
Noong Marso 2, nagbanta na si “Sam” kay “Ann” sa Viber chat na ipakalat umano ang maseselan niyang larawan.
Dito na humingi ng tulong si “Ann” sa NBI.
“Nakakatakot ‘yong fear ko na hala baka mapahiya niya ako, first ‘yong trabaho ko madadamay, ‘yong sa family ko, siyempre kahihiyan, at the same time ‘yong nanliligaw sa 'kin, nirerespeto ako ng tao tapos ipapahiya mo ako ng ganyan. Sa 'kin kung wala kang pambayad, huwag mong ikalat,” sabi ni “Ann”.
Nang tanungin ni “Ann” kung ano ang hinihinging kapalit ni “Sam” para hindi ilabas at burahin ang mga retrato, sinabi nitong makipagtalik sa kanya ang biktima, kaya ikinasa ang operasyon na umaresto sa suspek.
Aminado naman si “Sam” na may utang siya.
“Mayroon na kaming agreement na kung paano ko siya babayaran,” sabi ng suspek.
Pero tumanggi siyang magkomento nang tanungin tungkol sa pagbabanta niya ng sextortion sa dating nobya.
Walang nakitang maseselang retrato sa kanyang cellphone na kinumpiska ng NBI.
Sinampahan ang suspek ng mga kasong grave coercion sa ilalim ng Cybercrime Prevention Law at ng paglabag sa Anti-Violence Against Women and their Children Act.
Ayon kay NBI spokesperson Atty. Giselle Garcia-Dumlao, dumarami rin ang nahahawakan nilang katulad na kaso ng blackmail, kaya nagpaalala silang mag-ingat sa pagpapadala ng mga maseselan na retrato kahit maging sa karelasyon.
"Once na i-share mo ‘yan, it can easily be shared to another person, so nandoon pa rin ‘yong risk if you share those pictures kasi. So the first thing is do not share,” ani Dumlao.
Kung makaranas naman ng blackmail, payo ng NBI, i-screenshot o gawan ng kopya ang pagbabanta at isumbong sa awtoridad.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.