PatrolPH

Tigil-biyahe pinag-iisipan na rin ng ilang truck, carpool, tricycle drivers

ABS-CBN News

Posted at Mar 16 2022 12:26 PM

Watch more News on iWantTFC


MAYNILA - Sa harap ng serye ng mga oil price hike, pinag-iisipan na rin ng ilang trucker, carpool driver, at tricycle driver na tumigil sa pagbiyahe. 

Nauna nang nagpasya ang ilang jeepney drivers na igarahe muna ang kanilang sasakyan dahil sa 11-linggong taas-presyo sa langis. 

Wala nang kinikita ang mga trucker sa mahal ng diesel na sinamahan pa ng pagod, ayon kay Inland Hauler and Truckers Association President Teddy Gervacio. 

Tinaggal na rin aniya ng mga gasolinahan ang pautang o purchasing order nila sa mga trucker kaya nag-aabono na sila ng cash para sa petrolyo. 

"Ganoon ang nakikita nating malaking posibilidad," patungkol niya sa maaaring pagtigil-pasada. 
 
Katunayan, may mga trucker na aniyang tumigil sa pagbiyahe lalo't wala pa silang natatanggap na ayuda. Dahil dito, umapela ang grupo na suspindehin ang excise tax. 

Plano na rin ng ilang tricycle at carpool driver na tumigil sa pamamasada dahil sa tumataas ng presyo ng petrolyo. 

Anila, halos tambay na lang ang ilan sa kanila sa paradahan dahil bihira na lang din ang mga pasahero. 

Aminado ang tricycle driver na si Rico Del Mundo, isang person with disability, na gamay niya ang pamamasada at mahihirapan lang kung susubok pa ng ibang trabaho. 

Ang carpool driver namang si "Bernie", nagbabalak nang tuluyang iparada ang sasakyan dahil sa pagkalugi. Dagdag gastusin din aniya ang maintenance ng kaniyang sasakyan. 

Samantala, magpapasya munang magbisikleta ang ilang delivery rider imbes na magmotorsiklo. 

Naglalaro anila sa P500 hanggang P700 ang kanilang kinikita sa pamamasada sa de-padyak na sasakyan. 

Nasa P50 hanggang P100 lang ang kanilang gastos para sa pagpapa-vulcanize. Ang problema lang anila ay hindi ligtas para sa bisikleta ang ilang kalsada sa Metro Manila. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.