PatrolPH

'P200 buwanang subsidiya sa mga mahihirap, masyadong maliit'

ABS-CBN News

Posted at Mar 16 2022 03:39 PM | Updated as of Mar 16 2022 07:14 PM

Tricycle driver sa isang gasolinahan sa Maynila noong Marso 15, 2022. George Calvelo, ABS-CBN News
Tricycle driver sa isang gasolinahan sa Maynila noong Marso 15, 2022. George Calvelo, ABS-CBN News

MAYNILA (UPDATE) — Binatikos ngayong Miyerkoles ng ilang personalidad ang desisyon ng gobyernong bigyan na lang ng P200 buwanang ayuda ang mga mahihirap imbes na suspendehin ang excise tax, sa harap ng patuloy na pagmahal ng presyo ng petrolyo.

Ayon kay Renato Reyes, secretary general ng progresibong grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), "pittance" o masyadong maliit at hindi sapat ang buwanang ayuda — na matatanggap sa loob ng 1 taon — ng pamahalaan.

Sinabi rin ni Reyes na "out of touch" or tila hindi batid ng gobyerno ni Pangulong Duterte at ng economic managers nito ang pinagdadaanan ng mga mahihirap.

"So out of touch are Duterte and his economic managers that they think giving people P200 a month will assuage the burdens they face everyday," sabi ni Reyes sa isang Facebook post. 

 

Tinawag ding "pittance" ni Sen. Grace Poe ang P200 kada buwan na ayuda at sinabing hindi dapat magtipid ang gobyerno sa pagbibigay ng ayuda sa mga tao.

Sa isang pahayag, sinabi ni Poe na sana'y pag-isipan ulit ang panukalang pagsuspende sa excise tax, na sinasabing makapagpapababa ng presyo ng petrolyo sa bansa. 

Kung hindi man masuspende ang buwis, sana'y taasan ang halaga ng buwanang ayuda, dagdag ng mambabatas. 

Inanunsiyo ng Malacañang ngayong Miyerkoles na inaprubahan ni Duterte ang panukala ng Department of Finance na bigyan na lang ng buwanang cash aid ang mga mahihirap na pamilya sa halip na alisin muna ang buwis sa langis.

Watch more on iWantTFC

Labingdalawang milyong pamilya mula sa pinakamahirap na 50 porsiyento ng populasyon ang makakatanggap ng tulong.

Nasa P33.1 bilyon ang kakailanganing pondo para sa ayuda, kung saan bahagi nito ay mula sa inaasahang dagdag na P26 bilyon na value-added tax na makokolekta ng gobyerno mula sa tumaas na presyo ng krudo.

Noong Martes, nagpatupad ang maraming oil company ng P13.15 taas-presyo sa kada litro ng diesel at P7.10 sa kada litro ng gasolina. Ito na ang ika-11 sunod na linggong may oil price hike.

Tumaas din kamakailan ang presyo ng ilang gulay sa mga palengke sa Metro Manila dahil sa pagmahal ng transportation costs bunsod ng oil price hike.

Upang matugunan din ang oil price hike, nagkasa rin ang gobyerno ng pamamahagi ng fuel cards sa mga public transport driver, delivery rider at sektor ng agrikultura.

— May ulat nina Pia Gutierrez at Robert Mano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.